Tuesday, July 7, 2009

AKO si JHAyyZ!!

Ako si jhayyz... At ito ang isa sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Mapang-inis ako, dahil ito ang isa sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Pinipilit kong maging mabuting tao. Pero huwag mo akong sasaktan, dahil masasaktan din kita. Dahil iyon ang isa sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Marami na akong mga pangarap na napilitiang bitiwan kahit ayoko naman, dahil iyon ay isa sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Kung sa bawat pang-iinsultong naramdaman ko ay naningil ako ng bayad. Malamang mayaman na ako. Pero hindi, tinanggap ko lang dahil iyon ang isa sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Punung-puno ako ng pagiging inconsistent sa buhay kahit sinusubukan ko naman magpaka-consistent... Ngunit ito ang isa sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Mayroon akong komplikadong buhay. Mayabang ako pero minsan insecure ako. Nakakaasar pero iyon ang ang isa sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Alam ko kung ano ang mga gusto kong mangyari sa buhay ko, kaya hindi tamang sabihin na naguguluhan lang ako. Hindi ko nga lang kasi maisagawa ang mga totoong gusto ko dahil iyon ang isa sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Tumalino lang naman ako ng bahagya kaya nakakapagbahagi ako ng buhay ko. Kaya parang ang tapang ko. Pero iyon ay isa sa mga pagkakataong hinihingi lang ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Nagkamali ako... Masyado akong nagmadali sa buhay. Kaya sa sobrang pagmamadali ko marami akong nakaligtaan. Hindi maiiwasan iyon dahil isa 'yon sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Sino ba naman ako? Wala pa nga akong napapatunayan sa mundo. Struggling pa rin ako. Nakakasawa na nga pero isa iyon sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Graduate na ako sa pagiging paranoid. Pero kung kinakailangang maging paranoid uli ako. Bakit naman hinde? E kung iyon ang isa sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Wala akong sipon pero naaadik akong maglagay ng Vicks sa ilong ko dahil ito ang isa sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Wala nakong maisip na sabihin pa. Wala na akong maisip. Siguro naman iyon ay isa rin sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Kalilangan nang matapos ang walang kwentang pagmumuni-muni na ito dahil isa lang naman ito sa mga pagkakataong hinihingi ng pagkakataon...
Ako si jhayyz... Ito ang isa sa mga pagkakataong hihingin ko na bigyan sana ako ng isa pang pagkakataon...
Ako si jhayyz... Isa-isa... Araw-araw... Taon-taon..
Ako si jhayyz...
Ako si...?
Ako!


-jhAyYz

ANU TITTLE???

Taliwas sa sinasabi ng marami. Marunong nama akong magbasa ng bibilya. Hindi nga lang kasing galing ng katukayo kong si San David. Pero talagang marunong ako. Halimbawa;
Pagbasa mula sa aklat ni DAVID 3:16-17 na edad ng dalaga ay hindi pa rin maaaring i-harass dahil makukulong ka. Maghintay pa ng isang taon at baka maaari na...
'Eto pa'ng isa...
Pagbasa mula sa aklat ni DAVID 5:1-2... Ang kasunod na bilang ay 3, 4, 5, 6, 7, 8, 9...
Marami akong hindi nauunawaan tungkol sa Diyos. Gaya ng kung bakit hinahayaan niyang mangyari ang mga bagay na alam niyang ikalulungkot natin. Hindi ba't parang pinaglalaruan lang tayo? Pero mas mabuti na iyon kaysa naman si Satanas ang maglaro ng buhay ko.
Ang bawat sakit na nararamdaman ay sa lupa lang dapat palayain at palipasin upang hindi na maging isang multong pagala-gala sa mundo.
Bukod tanging ikaw lang naman ang gagawa ng iyong sariling langit at impiyerno. Sa maniwala ka't sa hindi, ang lahat ay nakadepende lang mismo sa iyo. Gaya ng kung gaano kahirap paniwalaang namatay ang kumpare kong si Hesus para sa sanlibutan.
Nakadepende lang talaga sa paniniwala at pananampalataya. Ang pananampalataya ay hindi scientfical or logical. Ang lahat ay nake-depende sa iyo kaya walang ibang pinakamahirap na kalaban kundi ang sarili mo.
Halimbawang mamamatay ako ngayon at haharap na ako sa Diyos. Sasabihin ko sa kanya na maayos ko naman pinatakbo ang buhay ko at pinilit ko'ng maging maligaya. Pero may itatanong ako sa kanya. Bakit ako hindi naging kasing suwerte ni KC Concepcion na mayaman at sikat ang mga magulang? Bakit kapag sinabi nila Ernie, Bert, Grover at Prairie Dawn ang "Play with me?" ay sumasagot ako ng "Sesame!"? Bakit pagkatapos ipunin ang mga finalist ng American Idol ay isa-isa rin itong tatanggalin?
Bakit ba ganoon ang mundo? Ang hirap-hirap lumaban ng patas? Para tayong mga characters ng Street Fighter II na may kanya-kanyang ipinaglalaban pero tayo-tayo din ang magkakalaban.
Ang hirap hanapin ng Diyos at kung makita mo man siya ay baka madiagnose ka pa na may psychosis at schizoprenia dahil may nakikita ka na at naririnig pa na kung anu-ano. At kung pilitin mo mang maghanap sa kung saan-saan ay baka maghanap ka na lang habang-buhay. Dahil ang totoo, makikita mo siya sa loob ng puso mo.
Pagbasa mula sa aklata ng ka-jamming kong si Mateo 1:43-44 "Lukas, tumahimik ka na. Hindi bagay sa image mo ang mga pinagsasasabi mo."
Pagbasa mula sa aklat ng kabiruan kong si Juan 6:20 "Oo nga, manahimik ka na!"
Pagbasa mula sa aklat ng ka-close kong si Marko 3:3 "Lukas, ano'ng nangyayari sa iyo? Are you with us?
Pagbasa mula sa aklat ni DAVID 2:3 "Ok, fine..."



-jhayYz

ARAW.ang gusto ko

Ayoko talaga sa panahon ng tag-ulan. Napuputikan kasi ako kapag naglalakad. Magastos pa dahil napipilitan akong mamasahe kahit malapit lang ang pupuntahan. Mas okay pa nga sa akin na mabasa ng pawis, huwag lang mabasa ng ulan. Dahil ang pinakaayaw ko talaga kapag umuulan ay tinatamaan ako ng matinding kalungkutan.Gustung-gusto ko ang tag-araw. Dahil sa panahon na iyon ay mas maligaya ako kaysa isang ordinaryong araw. Mabilis din makapagpatuyo ng nilabhang damit kaya ang mga polo ko na bulaklakin ang disenyo ay madalas kong nagagamit. Kapag summer din ay trip na trip ko ang magpa-tan ng balat.Ewan ko ba, pero kapag tag-init pakiramdam ko ay mas malakas ako. Pakiramdam ko'y akin lang ang buong oras at walang makakaagaw. Kung tutuusin, hindi lang dalawa ang uri ng panahon sa Pilipinas. Tag-araw... Tag-ulan... Tag-Pasko... Tag-Valentine...Dati ay masasabi mo pang sa mga petsang ganoon ay panahon ng tag-araw o di kaya ay tag-ulan. Pero ngayon kahit sa kalagitnaan ng matindihang pagsikat ng araw sa buwan ng Abril ay maaari na ring umulan dahil sa epekto ng Global Warming.Itong mundong ito ay tuluyan na talagang nabaliw. Hindi na niya maintindihan pati ang sarili niyang sistema at dumarami na ang taong naniniwalang ang bukas ay walang dalang bagong pag-asa. Kaya marami ang nasisiraan ng ulo dahil sa pabago-bago ang panahon.Ang buhay natin ay parang isang malaking katarantaduhan. Bibigyan ka ng matinding fighting spirit pero unti-unti ding mauubos iyon. Nangyari nang umasa ako ng buong puso dahil sa palagay ko'y iyon ang dapat gawin. Pero nabigo lang ako. Natutong umasang muli dahil sa iyon daw ang dapat. Para lang muli kong matuklasang wala naman pala talagang dapat asahan. hanggang sa tuluyan na akong mapagod umasa.Kaya gagawa ako ng sarili kong mundo. Iyong maganda at masaya. Para kung sa oras na kailangan ko ng lumabas sa mundong ginawa ko. Masasabi kong naranasan kong maging totoong maging maligaya kahit papaano.Sa medyo madami-dami ko din naman naging kaibigan at naging kaibigan. Alam nilang mahilig akong magsuot ng White T- shirt. Pero wala sa kanilang nangahas magtanong kung bakit nga ba? At ang sagot ko'y simple lang naman. At least, kahit sa Disyembre ay pwede kong isiping summer pa din at iyon ay choice ko.Magiging malungkot ako sa mga panahong dapat ay malungkot ako. At magiging masaya ako sa mga panahong dapat at masaya ako. Ganoon lang kasimple, pero dahil sa luku-luko na talaga ang mundo, sa simpleng bagay na gusto kong maramdaman pati yion ay ginagawang komplikado.Ayoko talaga sa panahon ng tag-ulan dahil hinahatak akong lumakad sa gitna ng ulan. Upang maramdamang sa bawat pagpatak at pagbuhos nito ay mahuhugasan ang masakit na pakiramdam sa kaluluwa. Isang malaking kalokohang dramang marami na ang bumili, gumawa, at sumikat.Mas gusto ko pa rin ang tag-araw dahil mas madaling isiping ang mukha mo ay isang smiley at may hawak kang isang lobong may mukha ding smiley.Kapag idinrowing mo ang ulan di ba, isang ulap na may pumatak na tubig? At kung lalagyan mo pa ng mukha ang ulap magmimistula itong lumuluha? Kaya para sa akin, simbolo ito ng kalungkutan. At ang araw ay madalas iguhit sa papel na nakangiti. Mga taong may sira lang ang ulo ang magdodrowing ng araw na umiiyak.

-jhayYz

MAHALAGA

Ewan ko ba, pero, siguro hindi magkakaroon ng saysay ang buhay, kapag hindi mo mararanasang makatapak ng tae sa kalsada... Kapag hindi mo na-experience. Hindi ka magiging "in" sa latest craze sa Pinas. Kaya ako, updated ako palagi, iba't ibang kulay na nga ng ebs ni Tagpi ang natapakan ko.Para sa akin, mas mabuti nang makatapak ka ng tae kaysa makatapak ka ng tao. Dahil ang tae kahit ilang beses mo pang tapakan, hindi naman iyon magrereklamo. Pero ang tao, kapag natapakan mo ang kanyang pagkatao. Siguradong aaray iyon.Kaya nga napakalaking bagay ang paghingi ng "sorry." Mahalagang pinakakawalan ito sa tamang pagkakataon. Dahil baka dumating pa sa puntong kahit sabihin mo pa iyon ng paulit-ulit ay hindi na kayang gamutin ng "sorry" ang sugat na naiwan sa taong iyong nasaktan.May mga nakaalitan ako nung nakaraan at in-expect kong ibibigay nila ang kailangan kong marinig na "sorry." Pero nagdamot pa sila, kaya ayun, na-immune na ako sa sakit. Kaya naman, kapag sa mga hindi maiiwasang pagkakataon at nagkikita kami ng mga taong iyon. Mino-motivate ko ang sarili ko sa pinaka-latest kong motto sa buhay: "Wala akong nakita, wala akong narinig!" Tae na lang sila sa buhay ko ngayon.Mas pinahahalagahan ko na ngayon ang mga taong tumanggap at nagpahalaga sa akin sa kabila ng lahat-lahat. At hindi ko ipagdadamot ang salitang "salamat" para sa kanilang lahat. Hindi na nga lang ako magne-name drop kasi alam na nila iyon.Kasing halaga din ng "sorry" ang "salamat." Mahalagang pinakakawalan ito sa tamang pagkakataon. Dahil baka sa ikli lang ng panahong ilalagi natin sa mundong ito, hindi na nila malaman ang iyong pasasalamat kung hindi mo sasabihin.Kaya naman, para sa mga ka-brainwaves ko diyan... Maraming-maraming salamat sa inyo. Salamat sa pagtatayo ninyo sa akin mula sa pagkakadulas ko sa mga tae diyan sa tabi-tabi. Salamat kasi kahit tae din ako paminsan-minsan hindi niyo pa ako pina-flush sa buhay niyo.Kapag daw nakapanaginip ka ng tae, ang ibig sabihin niyon ay pera. Kaya naman ang mga kasama ko sa bahay kapag nalaman nilang may nakapanaginip sa amin ng tae, diretso agad iyon sa lotto-han para tumaya ng EZ2. Ang number daw kasi ng tae ay otso kaya sasamahan na lang iyon ng birthday ng nakapanaginip para maging dalawang combination. Hindi na kasi uso ang Jueteng, pero nung bata pa ako, nakiki-jueteng din ako kahit papiso-piso. Bukod sa pataba sa lupa, iyon lang yata ang silbi ng tae. Naisip ko tuloy, kung papipiliin ka sa dalawa, ano ang pipiliin mo. Isang buong araw na humahangin ng utot o labinglimang minuto na umuulan ng tae?Ang isang tae ay hindi produkto lang ng imahinasyon. Produkto ito ng mga kinain natin. Mga patapong bagay na hindi kailangan ng katawan. Pero hindi purkit patapon na ito, itatapon mo na lang din ito sa kung saan-saan, gaya ng karagatan. Dapat ay sa palikuran...Pero mabalik tayo sa gusto ko talagang sabihin mula pa kanina. Ayokong maituring na isang tae. Kaya ngayon pa lang humihingi na ako ng patawad sa lahat ng nasaktan ko, mula ito sa aking puso... Sorry...Bakit nga ba ako discuss ng discuss tungkol sa tae? Ewan ko nga ba talaga. Pero mayroon akong mahalagang ishe-share na tip at dapat itong palaging tatandaan. "Kapag matigas ang natatapakan, paa 'yon. Kapag malambot, tae na 'yon."