Saturday, July 4, 2009

Kilala mo ba si KARMA??? by: jhayyz

Takot ako sa mga matataas na lugar, kahit nga nakikitra ko pa lang ito nalulula na ko. Kapag nakakakita ako ng malaking palaka ay natatakot din ako. "Yung balat kasi nila akala mo halimaw. Takot din ako sa mga kabute. Nagsimula ang takot ko sa mga kabute nung habang naliligo ako at makita kong may kabuteng tumubo sa banyo namin. 'Yung balat niya kasi parang halimaw din...

Pero takot din ako sa karma. Kaya nga sa ngayon pa lang nag-iipon na ako ng mga mabubuting gawain para matakpan ang mga kasalbahihan ko. Masyado na kasi akong nagiging walang pakundangan.

Ang karma ay hindi lang sa kung anong masamang ginawa mo ay iyon din ang babalik sa iyo. One is to two ang labanan. Kung gagawa ka ng isang kabalbalan, dalawang mabubuting bagay ang suklian niyon..

Ngayon, may magtatanong, e bakit 'yung mga batang humuhuli ng babuy-babuyan, tapos lulunurin lang sa loob ng bote ng softdrink na may tubig hindi nakakarma? Tapos iyung mga nagtutupada ng mga salagubang at pinagdidikit ang likod ng mga salagubang ng bubble gum, ang unang matihaya talo. Nakakarma din sila. Alam ko dahil napagdaanan ko na 'yon.

Kapag inangat mo kasi ang isang malaking bato sa lupa. Makikita mong maraming magtatalunang babuy-babuyan, at nung hinuli ko iyon at pinaglaruan. Binugbog ako ng nanay ko no'n. At nung matapos kaming maglaro ng wrestling ng salagubang nadikit naman sa shorts ko ang bubble gum. At binugbog na naman ako ng nanay ko. O 'di ba may karma talaga?

Ang karma ay maaaring paraan din ng Diyos upang magturo ng leksiyon sa mga tao. Halimbawa, kung ang kapatid mo ay naghihirap. Tapos nandiyan ka upang lumutas ng mga problema niya. Hinahadlangan mo ang daloy ng karma kapag ganoon. Dahil siya lang naman ang may kasalanan kung bakit siya ngayon baon sa utang. Pero dahil nga sa magkapatid kayo, hating-kapatid din pati sa bangis ni Karma Chameleon.

Madalas banggitin ng ate ko na nasa tabi-tabi lang daw si Carmi Martin. Kaya dapat mag-ingat. Kilala niyo ba si Carmi Martin? Siya 'yung asawa ni Roderick Paulate at 'yung kabit naman ni Kuya Dick si Amy Perez.

Ang pag-ikot ng karma sa buong mundo ay para lang lesson sa Science and Health, ang Evaporation Cycle. Ang dagat kapag kumulo sa init ng araw nagiging ulan. Sa pagbuhos ng ulan bumabalik naman ito sa dagat. Ang giyera, ang pagbagsak ng ekonomiya, baka nga pati din ang paglindol sa China ay dulot din ng karma... Baka lang, hindi ko rin alam.

Pangarap kong maging duktor no'n kaya tinutupad ko lang ang mga pangarap na iyon. At bilang isang duktor ay ito ang natuklasan ko:

MGA SINTOMAS NG KARMA

1. Bumalik sa iyo ang masamang ginawa mo.

2. Maiisip mo'ng: Bakit mo nga ba ginawa iyon?

3. Malalaman mo na masakit pala.


-jhayYz

No comments:

Post a Comment